Taon-taon, tumatapak ako sa panibagong baitang ng hagdan ng buhay ko. Sa tuwing araw ng pagtapak ko sa bagong baitang, laking pasasalamat ko sa Maykapal. Panibagong misteryong aking tutuklasin, pagsubok na aking tatahakin at biyaya na aking kakamtin na dapat kong pangalagaan at pahalagahan ang aking kakaharapin.
Ang buhay ko ay mayroong hagdan, may mga baitang na hinahakbang. Hindi ordinaryo ang hagdan na aking hinahakbang, nagtatagal ako sa bawat baitang na aking tinatapakan. Marami akong misteryong nais matuklasan sa tuwing tatapak ako sa bagong baitang ng hagdan ng aking buhay. Mayroong mga pagsubok na magpapatibay nang aking personalidad at may mga karanasan na magpapalakas sa akin. Bawat baitang ay may mga misteryong kailangang tuklasin, may nakalaang mga pagsubok na kailangang tahakin at sa pagtagal ko sa baitang na aking hinakbang ay maraming aral ang naiiwan sa akin. Laking pasasalamat ko sa mga nakibahagi sa pagtapak ko sa baitang na aking hinakbang at sa Kanya, hindi matutumbasan ang aking pasasalamat sa inyo.
Dalawampung baitang na ang aking natahak. Laking pasasalamat ko sa Kanya sa pagbibigay sa akin nang pagkakataong marating at malampasan ang baitang na ito. Sa dalawampung baitang na aking natahak, marami akong natuklasan at natutunan. Iba’t ibang misteryong aking natuklasn, pagsubok na aking nilampasan, ilang sakit na naranasan at pinagdaanan, tuwang naasam, at biyayang tinanggap mula sa Maykapal ang nangyari sa aking buhay. Ngayon nga na ginugunita ko ang mga baitang na aking pinagdaanan masasabi ko na alaala na lamang ang mga ito at magiging sandata’t lakas ko upang sa muling paghakbang ko sa kasunod na baitang ay muli kong kayanin ang mga darating pang mga pagsubok. Ang mga pangyayari at karanasan na aking natamo sa dalawampung baitang na aking hinakbang ang magiging gabay ko sa pagpapatuloy nang paghakbang sa mga panibagong baitang na aking hahakbangin. Ito man ay isang alaala na lamang, subalit sa mga alaalang ito, ako’y natuto at mananatiling buhay sa aking puso ang mga ito.
Isang umaga ang aking nasilayan na may preskong hangin ang nalalanghap. Hindi man buo ang pamilya ko nang ako’y magising, ngiti naman sa kanilang labi ang sa akin ay nagpasaya. Malapit ako sa aking pamilya at ilang kamag-anak kahit may pagkamalupit ang aking personalidad. Kilala na nila ako kaya’t hindi na sila nagtataka pa. Hindi kami perpekto at mabait na pamilya sapagkat nagkakaroon din kami ng mga pagsubok na hinaharap, pagkakataong hindi nagkakaunawaan sa madaling salita nag-aaway, subalit agad namang sinusolusyunan upang hindi na magtagal ang away. Malaki nagiging bahagi nang aking pamilya sa tuwing tatapak ako sa bagong baitang, sila ang gumagabay sa akin sa simula at dahan-dahan akong hinahayaan upang ako’y matuto. May mga pagkakataon na ako ay nadadapa o nagkakamali na nagiging dahilan upang ako’y kanilang mapagalitan. Tinatanggap ko ang kanilang galit sapagkat alam ko na doon ako matututo. Sa tuwing kami’y magkakalokohan at nagbibiruan ngiti sa mga labi ang inyong masisilayan, hindi ko namamalayan sa aking sobrang pagtawa may luhang pumapatak sa aking mga mata. Halong luha ng saya at lungkot ang aking nararamdaman sapagkat kung minsan sa sobrang saya mo napapaluha ka tulad kapag ika’y nasasaktan. Nagpapasalamat ako sa Kanya sa pagbibigay Niya sa akin ng pamilya ko ngayon.
Sa pagtanghali ng aking araw, nasa paaralan naman ako. Laking pasasalamat ko sa aking mga magulang sa pagpapaaral nila sa akin. Lagi ko ngang naaalala ang sabi nila, “ito ang maipamamana namin sa inyo na walang sinuman ang pwedeng kumuha”. Sa pampublikong paaralan ako una nilang pinag-aral. Doon marami akong nakilala, mga guro, estudyante, at maraming bata. Marami akong naranasan sa buhay ko sa paaralan noong ako ay nasa elementary pa lamang. Tulad nang ibang bata, may nagiging kaibigan at kaaway din ako sa paaralan, mayroong hinahangaan at mayroon din namang humahanga. Marami akong natutunan sa klase na nagbigay sa akin nang pagkakatain upang maipagpatuloy ko ang hilig ko sa pagguhit, minsan na akong nailaban sa isang patimpalak nang pagguhit. Laking tuwa ko nang makuha ko ang ikatlong pwesto. Lumipas ang taon kinailangan kong lumipat sa pribadong paaralan upang doon ko tapusin ang aking elementarya. Bagong kapaligiran ang aking nasilayan, bagong guro at kamag-aaral ang pinakisamahan, mayroon din naman akong mga hinangaan at humanga sa akin. Sa klase naging maayos naman ang aking pag-aaral. Nagkakaroon din naman nang patimpalak at ako ay nakakasali, lumalaban sa iba’t ibang paligsahan, minsan panalo minsan talo, subalit ayos lang iyon sapagkat natututo akong makisalimuha, lumaban at tanggapin ang pagkabigo. Hindi nagtagal natapos ko ang aking elementarya. Isang taon ang aking pinalipas bago ako tumapak ng sekundarya. Hindi naging madali ang bagong yugto nang aking pag-aaral, subalit sa pakikisama ko sa bagong guro at kamag-aaral ay nakapagpatuloy ako upang mas mapadali ang aking pakikisama. Tulad nang naging buhay ko sa elementarya ganoon din ang nagging buhay ko sa sekundarya. Subalit mas mabigat na ang aking pag-aaral at mga pagsubok na kinahaharap. Muli akong nakakasali sa ilang patimpalak tulad ng pagguhit, quiz bee, investigatory project, writing contest, street dancing at iba pa. Nagkaroon din ako nang barkada. Apat na taon ang lumipas at natapos ko na ang aking pagiging estudyante ng sekundarya. Sa pagtapak ko ng kolehiyo sa ibang bayan ako nag-aral. Kumuha ako nang kursong Bachelor of Arts in Communication. Maraming pagsubok ang aking kinaharap, sapagkat doon ako tumitira at lingguhan lang kung umuwi. Nakaya kong ipagpatuloy ang aking buhay at pag-aaral nang malayo sa aking mga mahal sa buhay. Subalit may pagkakataon naman na umuuwi rin agad ako sa aming bayan kapag wala nang gagawin at wala nang klase. Sa klase iilan lamang kami sa aming kurso mabibilang nga sa daliri sa unti naming. Maayos ang aking pag-aaral doon, nakasama rin naman ako sa may honor awards. Isang taon din ako sa ibang bayan. Makalipas yon’ bumalik na rin ako sa aking bayan at doon ipinagpatuloy ang aking pagkokolehiyo. Marami akong nakilala doon, guro, kamag-aaral, kapwa estudyante, at ilang empleyado. Hindi ako regular na estudyante sa aming unibersidad sapagkat ako’y transferee student. Hangang ngayon nag-aaral pa rin ako at naghihintay pa nang taon upang tapusin ang aking kurso.
Sa pag-gabi ng aking araw, sarili, pamilya, pag-aaral, kapwa, ikaw, at Siya ang aking ginugunita. Nagpapasalamat ako sa araw na aking nasisilayan at sa mga biyayang aking tinatanggap sa araw-araw ng aking buhay. Sa aking pagtulog ako’y humihinga ng tawad at nagpapasalamat sa mga biyaya na aking tinatanggap. Magpapahinga naman ako sa mga oras na ito sapagkat alam ko na sa paggising ko bagong bukas na naman ang haharapin ko. Ganito kabilis ang pakiramdam ko sa dalawampong baitang na aking hinakbang, para lamang isang araw ang nagdaan. Hindi ko namamalayan na matatapos na pala ang pananatili ko sa baitang na ito.
Sa bilis ng takbo ng oras at paglipas nang panahon, tatapak na ako sa ika-dalawampu’t isang baitang ng hagdan ng aking buhay. Halong saya at lungkot ang aking nadarama. Saya sapagkat panibagong misteryo na naman ang aking tutuklasin at karanasan ang aking pagdaraanan, bagong tao na aking pakikisamahan at pagsubok na aking lalampasan. Ang paghakbang kong muli ang maglalapit sa akin patungo sa Kanya. Alam ko kasi na habang pataas ng pataas ang baitang na aking hinahakbang ay palaki nang palaki na ang pagkakataon na mapalapit na ako sa Kanya. Hindi ko naman inuunahan ang mangyayari sa aking buhay, subalit nagsasabi lang ako nang katotohanan. Lungkot sapagkat alam ko na may mga pagsubok na magpapaluha sa akin, may mga tao akong masasaktan, at hindi ko masasabi na sa aking paghakbang ay makakasama ko na Siya at maraming bagay ang aking maiiwan. Ang saya at lungkot sa likod nang bawat misteryo at pagsubok ang magiging lakas ko sa pagharap sa ika-dalawampu’t isang baitang ng hagdan ng aking buhay.
Sa baitang na ito hindi ko pa masasabi kong anong nasa likod nito, subalit nais ko kayong isama at maging bahagi ng panibagong baiting ng hagdan ng buhay ko.
Monday, May 18, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment