Friday, May 1, 2009

HALAGA

Regalo, kadalasang natatanggap ko at aking pinahahalagahan. Ito ay isang bagay na mahalaga para sa taong binibigyan nito, subalit ang tanong alam mo ba ang tunay na halaga nito?
Bata pa lang ako, nakakatanggap na ako ng mga regalo. Dahil sa mga natatanggap ko, tuwang-tuwa ako. Simple man o mamahalin ang regalo pinahahalagahan at pinasasalamatan ko kung ano man ito. Ganun kababaw ang kasiyahan ko sa tuwing nakakatanggap ako ng mga bagong regalo. Pero, tatanungin ko ang sarili ko ngayon alam ko ba naman itong pahalagahan? Oo alam ko namang pahalagahan ang mga ito, sa totoo nga minsan sobra-sobra ang pagpapahalaga ko dito. Sa aking pagkabata, nakalakihan ko na ang pagiging maingat at impis sa sarili kong gamit, organize nga daw ako sabi nila. Hangang sa paglaki ko nadala ko ito. Tuwing nakakatanggap ako ng regalo, pinahahalagahan ko ito, sandali lang hindi lamang mga materyal na bagay ang nais kong sabihin, bagkus papuri, pintas, lait, tsismis at aral ay isang ring regalo para sa akin. Sumagi sa aking isip “ano namang halaga nito?” Ang pagiging masinop ko sa mga materyal na bagay ay hindi kasing sinop sa mga papuri, pintas,lait, tsismis at aral na natatanggap ko, bagkus kapag binibigyan ako ng ganitong regalo, pasok sa kanang tainga ko at labas naman sa kabila. Subalit nang lumaki na ako, doon ko napagtanto ang tunay na halaga nito. Kinakailangang itanim sa utak at isapuso ang ilan sa mga ito.
Noong kabataan ko mga anim hanggang walong taong gulang,masunurin at hindi ko pa pinalalampas sa kabilang tainga ko ang mga bagay-bagay na sinasabi sa akin.Paglipas ng panahon doon ko natutunan ang pagpapalampas nito.Tulad ng mga materyal na bagay na ibinibigay sa akin, sa simula at bago pa ang mga ito, ayos na ayos na tila ba ayokong masira o guluhin ng iba sa pagkakaayos ko, na para bang ayoko ring madumihian o maalikabukan, sa madaling salita ayokong maluma, na kahit mismong ako ayokong galawin o gamitin ko. Ganon akong magpahalaga sa mga regalo ko, sobra-sobra nga daw.
Lumipas ang panahon ang sobrang pag-iingat ko ang naging sanhi upang ang mga pinahahalagahan ko ay masira. Malungkot mang isipin subalit totoo iyon. Doon ako nagsimulang mapaisip. Iniingatan ko naman ang mga ibinigay sa akin pero bakit ganoon? ang natanong ko. Kahit nga simpleng bagay, na kung minsan basura na para sa iba pinahahalagahan ko. Pilit kong inalam kung bakit nga ba. Habang lumalaki na ako unti-unti nang nababawasan ang mga regalo na natatanggap ko, siguro kasi malaki na ako, hindi ko na kailangan ang mga laruan. Kung sabagay tuwing kaarawan o may okasyon lang ako nakakatanggap ng mga regalo tulad ng pasko,araw ng mga puso,pagtatapos, at bagong taon. Bakasyon ang kaarawan ko, kaya’t kalimitan awting ang selebrasyon ko at sa pamilya namin marami ang may kaarawan sa buwan ng Mayo, kaya dahil dito kung minsan sinasabay-sabay na ang selebrasyon. Noong nagsimula na ang mga ganoong pangyayari, yong tipong madalang na talaga ako makatanggap ng materyal na regalo doon ko napagtanto na mas higit na regalo pala ang natatanggap ko. At yoon ay ang momento ng bawat okasyon na dumarating sa buhay ko. Ito ay nagiging memorabilyang alaala sa buhay ko na alam kong ang regalong ito ay napakahirap hanapin at hindi nabibili at napapalitan. Hindi lamang ito regalo sa araw na iyon bagkus pang-habang buhay na regalo ito para sa akin, sapagkat ang mga ganitong momento ay hindi na muling mauulit sa buhay ko at kung magkaroon man ulit ng ganoong pagkakataaon alam ko na hindi na yon’ katulad ng nakaraan. Alam ko na ngayon ang tunay na halaga ng regalo na hindi dapat itago,lumain, o masyadong pag-ingatan. Sapagkat alam natin na kahit anong pag-iingat ang gawin natin sa mga bagay na natatanggap natin ay masisira at maluluma talaga ito. Subalit ang mga momento na natatanggap natin at pinahahalagahan ng mga importanteng tao sa buhay natin ang hinding-hindi maluluma,na kahit lumipas ang mga ito,mananatili naman itong nakatatak sa ating alaala at nasa puso natin,maging maganda o masamang alaala man ito.
Simula ng maisip ko iyon, hindi ko na masyadong naisip ang materyal na bagay. Napapatawa nga ako kung minsan na sa tuwing may magtatanong sa akin kung anong gusto kong regalo, at saka sasabihin nila na gusto nilang makita na ginagamit o sinusuot ko ang mga bigay nila. Yung tipong lulumain ko ang bigay nila sapagkat ginagamit ko,hindi dahil sa itinatago ko. Kaya’t nang magkaroon kami ng oras o araw upang magpalitan ng regalo o kahit mismong kaarawan ko na makatanggap ako ng regalo, ay ang momentong yon’ ang alam kong napakahalagang regalo at pumapangalawa palang ang materyal na bagay na kanilang ibibigay. Subalit ang hindi nila alam ang mga momentong ganoon ang aking lubusang pinahahalagahan.
Ngayon masasabi ko na ba na marunong akong magpahalaga?

No comments:

Post a Comment