Saturday, September 26, 2009

Alaala ng isang Sabado

Araw ng Sabado nang nagkaroon ako ng pagkakataon upang magawa ang bagay na dapat kong gawin, ang magpa x-ray at ultrasound. Bandang alas kwatro na ng hapon nang matapos ang pagsusuri sa akin at tumungo na kami sa isang fast food chain upang punan ang mga kumakalam naming sikmura. Subalit bago kami tumungo sa fast food chain ilalahad ko muna ang unang nangyari.

Sa dami kong gawa, napakabusy ko nga raw (busy busyhan daw) hindi ko kaagad inasikaso at iniisang tabi ko muna ang aking pagpapagamot. Pagpapagamot??? Oo pagpapagamot dahil sa may mga maliit na bukol sa aking katawan kinailangan kong magpa x-ray at ultrasound. Buwan pa nang Hulyo nang ibigay sa akin ang referral para dito, subalit napalipas ko pa ang mahigit isang buwan bago ko pa nagawa ang mga ito. Sabi nga nila ang tigas ng ulo, sa hindi agad pagbibigay pansin dito. Siguro oo, oo nga aminado naman ako na matigas ang ulo ko. Hindi naman kasi nakakaperwisyo sa mga ginagawa ko ang mga ito kaya hindi ko napapansin at hindi ko pinapansin. Kaya naman nang nagkaroon ako nang oras at panahon para dito kaagad ko na itong inasikaso. Sa MMG Hospital ako nagpa x-ray at ultrasound, isa sa lugar na ayokong puntahan, hindi dahil sa takot akong magpakuha ng dugo, magpasuri ng kung anu-ano sa aking katawan, takot ako sapagkat alam ko na may mga namamatay sa lugar na ito at pakiramdam ko may mga bacteria at virus na pwedeng makuha sa lugar na ito. Arte ko noh’? pero yon’ ang pananaw ko sa lugar na ito. Nang maiabot ko na ang referral sa isang receptionist ipinasa agad niya sa doktor na magsasagawa sa akin ng x-ray. Ilang minuto ang lumipas nang ako’y tinawag na, “ang bilis lang nang pag eex-ray, mas matagal pa yung pinaghintay ko”. At pagkatapos ay muli akong pinabalik para naman sa pag-uultrasound. Huwag daw muna akong iihi at kakain yan ang ibinilan sa akin ng isang receptionist doon. Pamamasyal ang ginawa naming pampalipas oras.Makalipas ang ilang oras ay muli na kaming bumalik sa ospital. Doon ay muli pa kaming naghintay nang isang oras bago ako maultrasound, habang naghihintay ako ng oras ay gumagawa naman ako nang aking mga sulatin para sa aming thesis. Dahil sa gutom na rin ako napapasaisip ko kung anong kakainin ko sa Jollibee. At nang ako na ang tinawag ng receptionist, pinapasok agad ako sa isang silid, kung saan ako e uultrasound. Dahil sa hindi halata sa akin na kung may ano ako sa katawan, nagtanong ang doktora na titingin sa akin kung ano ang meron ako. Walang kaba at takot akong naramdaman sa mg oras na yon’. Normal lang sa akin yon’ sabi nga ng iba manhid daw ako. Makalipas ang labinlimang minuto iniabot na sa akin ang resulta ng mga pagsusuring ginawa sa akin. Sa isinagawang x-ray, normal ang naging resulta, subalit sa ultrasound na isinagawa may natagpuang cysts. Hindi naman ganoon kadelekado ang natukoy na cysts, subalit hindi ko na ilalahad ang tungkol dito. Matapos ang pagsusuring isinagawa sa akin ay tumuloy na kami sa isang fast food chain, sa Jollibee.
Sa pag-order namin ng aming kakainin, nag-usap-usap muna kami. Dahil sa mukhang baguhan ang natapatan naming counter hindi kabilisan ang kanyang serbisyo sa amin. Subalit kahit baguhan siya ay approachable naman. Sa ikalawang palapag kami ng desisyong kumain. Habang kami’y kumakain ng aking mga kasama ay may isang lalaki na tingin ng tingin sa amin. Akala ko assuming lang ako na ako ang tinitingnan. Doon nagsimulang magtanong ang aking kapatid kung kakilala ko ang lalaking iyon. Dahil sa mukhang hindi siya mapakali, naglinis na siya nang naglinis sa may kalapit namin. At nang ako naman ang tumingin sa kanya upang isipin kong kakilala ko ba siya, kung naging kaklase ko ba sya o kung kilala ba niya ako.Subalit hindi, hindi ko talaga siya kilala. Nang nagpang abot ang aming tingin agad siyang umiwas na parang ewan. Hinayaan ko na lang siya at kumain na lang ako nang kumain, habang napansing muli ng mga kasama ko na tingin pa rin ng tingin ang lalaki. Dahil sa kamalditahan ko napabulong ako sa aking kapatid na “gusto mong makakita nang lumilipad na tinidor” pabiro kong sinabi. Pabulong din namang may sinabi sa akin ang aking kapatid “super kintab na niyang table na yan kuya”. Hindi nagtagal ay hindi ko na naubos ang aking pagkain sa dami. Nang nagcr ang aking kapatid at pinsan ko, ako at ang tita ko naman ang naiwan sa aming table. Sa puntong iyon lumapit si kuya at nagbigay ng plastic at tissue na may notes nya. At nang maiabot niya ang nais niyang iparating sa akin ay saka lamang siya tuluyang bumaba. Para patas binigyan ko rin siya ng notes kaso may pagkamaldita ang aking naisulat doon. Kahit ganoon ang nangyari, natuwa rin ako sa kanya. Kaso ang pagkatuwa kapag nakalipas ay nagiging alaala na lamang. Dahil sa nakalipas na ito, tapos na ang istorya at alaala na lamang ang tuwa sa araw na iyon. Alaala na bahagi na nang aking nakaraan.091909.

Monday, September 21, 2009

kung maibabalik ko lang ang oras

Sabi nga, once na nakalipas na ang isang pangyayari sa ating buhay hindi na natin muling maibabalik ang nakaraan.May mga oras at pagkakataon man na magtanto ako sa mga nangyari sa buhay ko alam ko na hindi ko na muling maibabalik ang mga bagay na ginawa ko lalo't higit ang hindi ko ginawa. Kaakibat na nga rin nito ang pagsisisi at panghihinayang subalit yun' naman ang ayokong isipin sapagkat habang nabubuhay pa ako ay wala dapat akong panghinayangan. Basta't sa mga pagkakataong naibibigay sa akin ay gagawin ko na lamang kung ano ang dapat hindi man maging sapat at tama ang gawin ako ay malugod ko pa rin naman iyong tatanggapin.

Marami na rin akong napalampas na pagkakataon na maari kong gawain kung ano yung tama,anong mas makakabuti, kung ano ang makakapagpasaya subalit kung minsan pinipinili ko pa yung hindi dapat. Pero sa puntong iyon hindi ako nagsisisi at nanghihinayang sapagkat sa pagkakataong nagkakamali ako ay mayroon naman akong natututunan at doon ako mas lubusang natututo.

Panibagong Umaga


Buhay ay isang biyaya mula sa Maykapal. Sa loob ng dalawampu’t isang taon kong pamamalagi sa mundong ito, tanging pasasalamat at pangakong pag-iingatan ang buhay na mayroon ako at ang pamilyang sandigan ko. Sa pagkakataon na ibinigay sa akin ng aming guro, ang obserbahan at pakisalimuhaan ang isang pamilyang kapus sa ilang pangangailangan sa buhay at hindi marangya ay isang maganda at hindi malilimutang pagkakataon ng aking buhay.

Ang pamilya Tarciano na aking inobserbahan at pinakisalimuhaan ng mahigit dalawang araw at isang gabi ay hindi ko basta masasabi na sila’y aking pinakisalimuhaan lamang bagkus ay kinapulutan ko pa sila ng aral at hinangaan. Sa kabila ng sitwasyon ng kanilang buhay, ang pagiging hiwalay sa asawa, maging single father ng anim na anak, at walang sapat na pantustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailan ay nalalampasan nila ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ng may ngiti at pagmamahalan.

Sa bawat sikat ng araw, panibagong umaga ang hinaharap nila. Hindi man sila naging marangya ang buhay tulad ng iba ay patuloy pa rin ang buhay na kung anong meron sila. Ang sila’y maging masaya at sama-sama ang kanilang lakas at sandigan upang ang kanilang araw ay mapalipas. Sa murang edad ng kanyang mga anak ay naghahanap buhay na sila, tumulong sa kanilang ama, at humahawak ng responsible sa bahay upang maibsan at mapunan ang kanilang sikmura at ang pangangailangan. Bakas sa kanila ang isang huwarang pamilya na hindi man sila buo ay masaya nilang hinaharap at nalalamapasan ang mga pagsubok na dumarating sa kanila.

Sa paglipas nang pakikisalimuha ko sa kanila ay marami akong napagtanto at natutunan. Hindi ko kinakailangan na maghanap ng higit sapagkat nakita ko sa kanila na masaya pa rin sila kung anong meron sila. Ang kanilang pagkain, paliligo, pagluluto, paglalaba, pagtulog, at paglalaro sa madaling salita ang kanilang pang-araw-araw na gawain ay akin din namang ginawa upang mas lubusang malaman ang kanilang pamumuhay. Hindi man naging ganoon kadali para sa akin ang gawin ang kanilang gawain sapagkat hindi sapat ang kanilang mga gamit at walang magulang na tumututok sa kanila sa kanilang murang edad. Subalit sa kabila noon ay natututo akong gawin ang ilan nilang ginawa sa buhay. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na naranasan at kinapulutan ko ng aral. Magpasalamat at maging mapagkawanggawa sa mga nangangailangan.

“it is better to give than to receive”.