Sa loob ng isang taon ay may labindalawang buwan at sa huling buwan ng taon ay marami tayong napapagtanto, ang mga biyayang natamo natin sa loob ng isang taon. Disyembre ang huling buwan sa loob ng isang taon, sinyales na patapos na naman ang isang taon ng ating buhay at paghahanda naman sa pagsalubong sa panibagong taon na kakaharapin.
Disyembe ang huling buwan ng taon, malamig ang simoy ng hangin, Pasko, regalo at salo-salo, kalimitang salitang mababanggit ng mga tao. Pasko o Pagsilang ni Jesus ang kilalang kilala sa buwang ito, pero bakit mas nakikilala natin si santa dahil sa mga regalong dala niya. Doon ko mas lalong napagtanto ang tunay na kahulugan ng Pasko. Bata pa lamang ako ng matutunan kong dumalo at magsakripisyo sa pakikiisa sa misa de galo. Matiyaga akong gumigising ng madaling araw para makumpleto ito. Sa paglipas ng panahon hindi ko na ito nakukumpleto, kaya’t mas minabuti ko na lang, na dumalo sa simbang gabi. Ilang taon din akong nakakumpleto ng simbang gabi, dahil dito may mga nagtatanong sa akin “natutupad ba ang hinihiling mo sa Kanya” yan ang kalimitan nilang tanong sa akin. Hindi ko man agad agad natatamo ang mga hinihiling ko sa tuwing nakukumpleto ko ito, alam ko na may tamang panahon at oras sa mga iyon. Dumadalo ako sa simbang gabi upang mag-alay sa Kanya hindi ang madaliin Siya sa mga hiling ko. Hindi ako nagmamadaling matamo lahat ng hiling at gusto ko sapagkat ang patuloy Niyang pagbibigay sa akin ng pagkakataong masilayan ang bagong umaga na kasama ang mga mahal ko sa buhay ay sapat na. Sa pagsalubong ng Pasko lagi akong dumadalo sa misa. Gabi pa lamang ng ikadalawampu’t apat ng Disyembre ay sumisimba na ako, ito ang paraan ko ng pagsalubong ng Pasko, ito na rin siguro ang nakasanayan ko. At pagkatapos ng misa ay nagkakaroon kami ng salo-salo. At ang isa pang hindi nawawala ay ang pakikipagpalitan ko ng regalo sa isang kaibigan, na halos labindalawang taon na naming ginagawa. Dahil dito taon taon akong may nabubuksang regalo. At sa mismong araw ng Pasko ay pumupunta ako sa bahay ng ninong at ninang ko para magmano at mamasko.
Sa paglipas ng panahon dahan-dahan nang nagbabago ang takbo ng Pasko ko, sapagkat hindi na tulad ng dati na nakakasama ko ang buong pamilya ko sa pagsalubong ng Pasko, hindi man kami kumpleto ay idinadaos pa rin namin ang Pasko. Hindi na rin ako nakakapamasko sa ibang ninong at ninang ko, malaki na daw kasi ako at isa pa ako na ang pinamamaskuhan ng mga inanaak ko. Bilis ng panahon ngayon, parang kailan lang nang ako’y tulad nilang bata pa. Dahil dito napagtanto ko na ang panahon at pagkakataon nga naman, paglumipas, nababago ang takbo ng buhay ng tao.
Sa araw-araw ng buhay ko hindi ko nakakalimutang magpasalamat sa Kanya, sa mga biyayang natatamo ko at sa mga pagsubok na pinagdadaanan ko. Hindi ko ganoon kadaling nilalasap ang mga masasayang pangyayari ng buhay ko bagkus ay mas inihahanda ko ang sarili ko sa mga pagsubok na nasa likod nito.Dahil dito mas nagiging malakas at matatag ako. At sa pagsapit ng buwan ng Disyembre nais kong sulitin ang bawat sigundo ng buhay ko, sapagkat ayokong manghinayang sa mga pagkakataon na ibinibigay sa akin. Sa mga bagay at pagkakataong nalalampasan ko, hindi ko iniisip ang panghihinayang sapagkat alam kong may dahilan kung bakit hindi ko iyon nagawa. Dahil sa nabubuhay pa ako ay wala dapat akong panghinayangan.
Maraming nangyari sa buhay ko sa taong ito, pagsubok na nilampasan, sayang nginitian, lungkot na iniyakan, sakit na pinagdaanan, takot na hinarap, pag-ibig na pinahalagahan, pagkakataong hindi pinakawaln at sa biyayang tinatanggap. Isang taon na naman ang nalampasan ko.
Thursday, December 31, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment