Taon-taon tuwing ika-15 ng Mayo ipinagdiriwang naming mga Lucbanin ang Kapistahan ni San Isidro Labrador, patron ng mga magsasaka at ang tinatawag na Pahiyas Festival. Maraming tao galing sa ibang bayan at mga turista ang dumadayo sa okasyong ito upang makiisa at makita ang makukulay na kiping at naggagandahang tahanang may payas. Gabi pa lamang ay abalang-abala na ang mga tao sa bayang ito, lalo’t higit ay ang mga tahanang daraanan ng Pahiyas sa paglalagay ng dekorasyon.
Sa taong ito sobra kong nasulit ang PAHIYAS FESTIVAL na ito, sapagkat desperas pa lamang ay napasyal ko na ang daraanan ng Pahiyas at kumuha at nakapagpakuha ng ilang larawan, at dahil daraan sa kalye namin ang pahiyas ay naghanda na rin kami ng ipapayas sa aming tahanan. Sa gabing iyon ay marami na ring tao ang namamasyal kahit hindi pa ganoon katapos ang mga payas. Sa mismong araw ng Pahiyas ay naging maaliwalas ang panahon, sinimulan ito ng isang banal na pagdiriwang at sinundan ng prusiyon. Dahan-dahang dumami ang mga taong namamasyal at nagpapakuha ng larawan sa naggagandahang payas, naging masaya at sulit ang araw na ito para sa lahat bakas sa mukha ng mga tao ang saya nila sa araw na ito. Ang isa pang maganda at masarap sa araw na ito ay ang mga pagkaing inihahanda ng mga Lucbanin. Nakasanayan na kasi ang maghanda tuwing Pahiyas ang ilan ay mga espesyal na putahe ang inihahanda tulad ng hardenera, embotido, kaldereta at kung ano-ano pa at ang mga sikat na pagkain dito sa Lucban ang inihahain tulad ng pansit habhab, broas, ube,suman,espasol at iba pang minatamis. Halos lahat ay natatakam sa sarap ng pagkain dito sa Lucban kaya’t ang ilang bisita ay bumibili ng kakanin ng Lucban upang iuwi sa kani-kanilang lugar. Sa pagsapit ng gabi ay nagliliwanag na ang mga payas dahil sa mga ilaw na nakasabit dito at ang napiling pinakamagandang payas ay mayroon nang gawad. At kahit gabi na ay sobrang dami pa rin ng taong namamasyal at hanggang madaling araw ay mayroon pa rin. Iyan ang Pahiyas Festival 2010.
“yanong rikit, baling ganda Lucban”
051510
Sunday, May 16, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment