Sunday, April 4, 2010

Sabado de Gloria at Buhusan sa Lucban

Sabado de Gloria







Taon-taon ay nakikiisa ako sa banal na misa tuwing Sabado de Gloria. Mayroon mga tradisyong ginagawa sa araw na ito. Hayaan ninyong aking ilahad ang ginagawa sa pagdiriwang na ito. Sa simula ay masasaksihan ninyo na madilim ang paligid at ang loob ng simbahan.Nasa labas ang mga tao at nakikiisa sa pagbabasbas ng apoy na siyang magsisilbing liwanag papasok ng simbahan. Kapag ang lahat ay nakapasok na sa loob ng simbahan ay muling papatayin ang liwanag ng kandila ng bawat isa at ang tanging kandila na lamang na may tanglaw ay ang paschal candle. Matapos patayin ang lahat ng kandila ng bawat isa ay doon na magsisimulang magbasa ng ebanghelyo at ang mabuting balita.





Pagkatapos basahin ang mabuting balita,ay doon na magliliwanag ang loob ng simbahan kasabay ng pag-awit ng Papuri. At matapos ang banal na misa ay isasagawa na ang tinatawag na Salubong. Ito ay ang prusisyon ng imahe ni Kristo at ng Mahal na Birheng Maria na magkahiwalay. Hiwalay ang pagprusisyon ng dalawang imahe patungo sa isang tahanan na may nakabantay na mga anghel at iyon ay ang pagtatagpuan ng mag-ina. Sa pagprusisyon ay magkahiwalay din ang mga taong makikiisa dito. Ang mga kalalakihan ay kasama ng imahe ni Kristo at ang mga kababaihan naman ay kasama ng imahe ng Mahal na Birheng Maria. Sa tahanang pagtatagpuan ng mag-ina ay may mga anghel na nakabantay na kung saan ay aawit muna ang mga anghel habang-dahan-dahang naglalapit ang imahe ng mag-ina at pagkatapos ay tatanggalin ng isang anghel ang kapa ng Mahal na Birheng Maria upang paliparin.






At iyan ang tinatawag na Pagsalubong.



Happy Easter!. 040310-040410

Buhusan sa Lucban

Tradisyon nang nakasanayan ng mga Lucbanin ang Buhusan tuwing Linggo ng Pagkabuhay. Masayang ipinagdiriwang naming mga Lucbanin ang araw na ito sapamamagitan ng tinatawag na BUHUSAN. Ito ay ang tradisyong ginagawa ng mga Lucbanin tuwing Linggo ng Pagkabuhay na kung saan ay nagbabasaan at nagbubuhusan ang mga tao dito.









Bago pa lamang lalabas ng tahanan ang ilan ay agad nang binubuhusan ng tubig ang mga ito.Halos wala kang makikitang tuyo ang suot sa araw na ito at kung meron man ay iyong mga pauwi na sa kani-kanilang bayan. Walang pinalalampas na taong hindi nababasa sa araw na ito, at pati kandito ay binubuhusan ng mga tao. Sa oras ng pagkain kanya-kanyang puntahan sa kani-kanilang mesa at ang ilan pa ay dumadayo sa mesa ng iba at nakikikain, at ang mga nakalabas na pagkain ay nabubuhusan na din. At pagkatapos ay nag-iinuman na ang ilan at kahit hindi kilala ang dumadaan ay inaalok nila ng tagay. Hindi maawat ang mga bata sa pagbubuhusan at paliligo sa swimming pool na kahit ang matanda ay nakikiligo na rin sa pool.
















Iba ang Buhusan ngayong taong ito kung ikukumpara ko sa mga nagdaang buhusan. Sa aming kalsada ay iilan lamang ang pamilyang makikita mong nakikipagbuhusan at nasa harap ng kani-kanilang tahanan at karamihan ay mga bata. Bago sumapit ang hapon ay tumatahimik na ang kalsada sapagkat tapos na ang buhusan. Subalit tulad nang aking nabanggit, iba ang Buhusan sa taong ito, mas masaya, mas maingay at mas maraming tao ang inyong makikita sa harap ng kani-kanilang tahanan at nakikipagbuhusan. Ang dating kalsadang iilan ang nagbubuhusan ay nagmukhang isang resort o paliguan. Maraming swimming pool na pinaliliguan ng mga bata at halos magkakatabing mesa na may kanya-kanyang pagkain na parang cottage ng bawat pamilyang nasa resort.Gabi na nang matapos ang buhusan.




Pagsapit ng hapon ay dahan-dahan ng nagliligpit ang mga tao, subalit hindi tulad ng dati na hapon pa lamang ay tahimik na ang kalsada sapagkat ngayong taong ito ay gabi na nang tuluyang tumahimik ang kalsada. 040410

No comments:

Post a Comment